Barangays > Pag-Asa
![]() |
Brief History |
I. MAIKLING KASAYSAYAN NG BARANGAY PAG-ASA:
Ang mga katutubong MANGYAN mula sa tribong ALANGAN ang mga naunang tao dito at sila rin ang nagbigay ng pangalang TUONG sa lugar na ito bilang pagsasalarawan ng pagsasama ng ilog Amnay at ilog Rayusan.
Tinatayang noong 1940, pagkatapos ng Ikalawang digmaang Pandaigdigan, dumagsa ang mga tao mula sa Ilocos Region at kanilang inokupahan ang malawak na bakanteng lupain ng Tuong at sinimulang pagyamanin at bungkalin ang mga lupa bilang pangkabuhayan, at dahil sa programa ng Pamahalaan ng Pangulong Ramon Magsaysay na “Lupa para sa walang lupa” , sinundan ito ng ng Presidential Decree No. 27 o Tenant’s Emancipation patent Act ni Pangulong Ferdinand Marcos at tuluyan ng napagtibay ng Comprehensive Agrrian Reform Program (CARP) sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino ay naipamigay ang lupa sa Actual na occupancy at pagmamay- ari ng lupa sa mga tao. Ang mga lupaing pang-Agrikultura na naipamigay ay nahahati sa tatlong Hacienda (De Leon Enterprises, Basic Enterprises at Rocky Hills) at maliit na bahagi ng ng Hacienda Sotero Baluyot hiningi ng mga tao na ibigay ang mga lupa sa Actual na Occupancy
Sa paglipas ng panahon dahil sa pagdami ng populasyon ng tao,taong 1958 ang tuong na sitio ng Barangay Batasan ay naihiwalay mula narin sa kahilingan ng mga tao sa Municipal Council ng Sablayan na tinawag na Rang-ayan na naging ganap na pangalan ay PAG-ASA taong 1963.
Nang magpasya ang mga tao ng Baryo Tuong na iparehistro na ang pangalan nito sa Munisipyo, ilang matatanda ang nagmungkahi ng “Magsaysay”, ang iba naman ay “Rang- ayan” na salitang Ilocano na ang ibig sabihin sa Tagalog ay “Pag- unlad” at ito ay sinang- ayunan ng lahat subalit nang ito ay ipapatala na ng mga lider sa Munisipyo ng Sablayan ay iminungkahi ng kasalukuyang Mayor noon na si Leoncio Ordenes na gawing tagalog ang salitang Rang- ayan sapagkat mas marami naman ang nakakaintindi ng Tagalog. Bagamat mali ang salitang “Pag- asa” bilang pagkakasalin sa Tagalog ng salitang “Rang- ayan” ay sinang- ayunan na rin ng matatandang lider ang mungkahi ng Mayor na gawing “Pag- asa” ang pangalan ng Baryo Tuong dahil na rin sa pag- aakala na ito nga ang tamang Tagalog ng “Rang- ayan”.
Ang pagkakatatag ng Baryo Pag- asa ay agad na nasundan ng pagbubukas ng unang Eskwelahan ng Elementarya na tinawag pa ring “Rang- ayan Elementary School” taong 1963. Sa pagdami ng populasyon ng Sitio Guitong, at m alayo ito sa sentro ng barangay na kinaroroonan ng Paaralang Elementarya, sa pagtutulungan ng mga magulang at Barangay Council, taong 2008 ay nagpatayong muli ng unang ekstensyon ng paaralan sa Sitio Guitong, at ito na ngayon ay Guitong Elementary School. Sa parehong taon din ay naitatag ang extension ng Guitong Elementary School Extension sa Sitio Mayba para sa pormal na pag-aaral ng mga batang katutubo.
Dahil sa pagdami ng mga batang hindi makapag-aral ng sekondarya na kung saan ang pinakamalapit ng High School ay sa kabayanan at dahil mahirap para sa mga magulang ang magpa-aral ng kanilang mga anak ay pinangunahan ng noon ay Kapitan Eduardo Gadiano at buong suporta at pakikipagtulungan ng buong mamamayan ay naipatayo at nabuksan ang “Sablayan National High School Pag-asa Annex” noong 1997 at ito ay ekstensyon ng ng “Sablayan National High School”. Sa pagkakasabatas ng Senior High School Education ay nagsimula ang unang Bartch nito sa Pag-asa taong 2016-2017. Sa kasalukuyan ay ganap na nakapagsarili at tinawag itong “Prudencio L. Gadiano National High School” dahil sa kabutihang loob na pagkakaloob ng lupa ng pamilyang Gadiano sa kinatatayuan ng paaralan.
Dahil sa magandang kinalalagyan ng Barangay Pag-asa at dahil narin sa nasa sentro ng Pambansang daanan ng buong lalawigan mula Abra de Ilog hanggang Magsaysay ay naisipan ng mga namumuno ng Barangay sa panahon ni kapitan Eduardo B. Gadiano na magtayo ng maliit na Talipapa na kalaunan ay unti-unting umunlad at lumaki hanggang sa ganap na itong nakilala bilang himpilan ng anumang uri na sasakyang panlupa. Dito na rin kumakain ang mga biyahero at namimili ng ibat-ibang produkto na inilalako ng mga tao mula sa iba’t-ibang karatig Barangay ng Pag-asa.
Taong 2007, bilang paghahanda sa patuloy na pag-unlad ng Barangay Pag-asa ay naghanap ng isang estratehikong lugar ang mga opisyal ng Barangay sa pangunguna ni kapitan Juanito “Boyet” Esteban Jr. upang pagtayuan ng isang bagong plaza at sa kasalukuyan nga ay dito nakatayo ang bagong Barangay Hall at ilang pasilidad ng Barangay. Sa panahon din ng panunungkulan ni Kapitan Juanito Esteban Jr. ay inilunsad ang taunang “Kakanin Festival” at nabuo ang Barangay Hymn na may titulong “Pag-asa kong Sinta”.
Ang Pag-asa ay hindi nakaligtas sa lupit ng malalakas na bagyo. Noong 1970’s unang makaranas ng unang pagbaha at malawakang pagkatabon at pagkatibag sa malaking parte ng mga sakahan malapit sa ilog amnay, Kung kaya’t sa tulong noon ng dating Pangulong Ferdiand Marcos ay naipagawa ang Proteksyon dike sa Ilog amany taong 1977. Muling naranasan ito taong1990’s na muling nakaranas ng malawakang magkasira ng mga sakahan at nasundan muli taong 2009 at 2011 na hindi lang sa mga bukirin ang napinsala kundi pati narin sa mga kabahayan dahil sa kawalan o pagkasira ng dating dike na nagpoprotekta at kumokontrol sa malakas na agos ng tubig ng Ilog Amnay sa panahon ng Tag-ulan. Muling nalagyan ng protection Dike (gabions) pagkalipas ng ilang taon, ngunit hindi parin nakaligtas sa mga dumating pang mga bagyo gaya ng bagyong Tisoy (2019) kasabay ito ng Pandemyang dulot ng COVID-19 na nagpayanig sa buong mundo. Kasunod nito ang bagyong Quinta (2020), at Bagyong Fabian (2021) na muling naminsala sa mga bukirin dahil narin sa pagbabago ng daloy ng tubig amnay sa pagkakaroon ng dike (Gabions).
Taong 2013, sa pagnanais ni Mayor Eduardo B. Gadiano na ilapit sa mga Sablayeño ang mga pangunahing serbisyo sa Lokal na Pamahalaan ay itinayo ang Sablayan North Muncipal Extension, Rural Health Unit at Birthing Home Facility na sa kasalukuyan ay nagbibigay ng malaking tulong hindi lamang sa Barangay Pag-asa kundi buong CLIPVICS area.
Ang Barangay pag-asa ay kinilala sa buong probinsya dahil sa mga naging lider na nagmula sa barangay. Taong 1983-1986 ay inappoint ng noong Mayor Godofredo Mintu na maging Sangguniang Bayan Member si G. Dominador C. Pimentel. At taong 1998 nasundan ang pagkakaroon ng nanalong Sangguniang Bayan ng Sablayan na nagmula rin sa barangay Pag-asa na si G. Eduardo B. Gadiano hanggang siya ay maging Bise Mayor, Mayor at sa kasalukuyan ng Gobernador ng Probinsya ng Occidental Mindoro at gayundin sa kasalukyan na nagmula sa barangay Pag-asa na si Bokal Ryan Gadiano Sioson na Bokal Member ng Probinsya.
Mga KALAHI PROJECT na naipagkaloob sa barangay na nagsimula noong taong 2007 hanggang kasalukuyan.
No. | Year | Project | Location | Punong Barangay | BSPMC |
---|---|---|---|---|---|
1 | 2007 | Construction of Solar Dryer | Zone 4 | Juanito P. Esteban Jr. | Manuel Fernandez |
2 | 2008 | Water Impounding | Zone 3 | Juanito P. Esteban Jr. | Manuel Fernandez |
3 | 2012 | KC: MCC Makamasang Tugon – Improvement & Concreting of Farm to Market Road | Zone 3 | Juanito P. Esteban Jr. | Manuel Fernandez |
4 | 2013 | KC-NCDDP – Construction of Multi-purpose Pavement | Zone 4 | Juanito P. Esteban Jr. | Edna Gadiano |
5 | 2014 | KC-NCDDP – Construction of Multi-purpose Pavement | Zone 4 | Juanito P. Esteban Jr. | Edna Gadiano |
6 | 2015 | KC-NCDDP – Construction of Multi-purpose Pavement | Zone 4 | Juanito P. Esteban Jr. | Edna Gadiano |
7 | KC-NCDDP – 1 Unit of 2-Classroom | Guitong | Juanito P. Esteban Jr. | Jessie Quinio | |
8 | 2018 | KC-NCDDP – Construction of 100LM Retaining Wall | Pandurucan River | Rodel A. Sioson | Jessie Quinio |
9 | 2019 | KC-MCDDP – Construction of Retaining Wall | Pandurucan River | Rodel A. Sioson | Manuel Fernandez |
10 | 2021–2022 | ELCAC FUND – Construction of School Building Installation of Solar Streetlights |
So. Tulaleng So. Mayba, Palsikayon, Makatolyo, and Tulaleng |
Rodel A. Sioson |
PISIKAL NA PAGLALARAWAN
Pinakamalaki sa 22 na Barangay ng Sablayan ang Barangay Pag-asa na mayroong kabuuang lawak ng lupain na 72, 562.58 hectares. Ang kabundukan nito ay tinatayang nasa 68,969.93 hectares at ang kapatagan ay umaabot sa 3,592.65 hectares na kung saan 50.73 hectares ang ginagamit sa residensiyal, 2.95 hectares sa komersyal, samantalang ang 638.78 hectares ay ginagamit naman na lupang sakahan na siyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga mamamayan ng Barangay, at ang natitira na 2, 900.1858 ay sa Institusyonal, National Road, Street Road, Infrastructure, Irrigation Canal at Grassland/Pasture. Ito ay binubuo ng anim na Sona (I,II,III, IV,Villa Cruz at Guitong), maliban pa rito ang ilang pamayanan na pinaninirahan ng mga katutubong Mangyan sa mga kabundukan, ilan sa mga ito ay Pandurucan, Calamatan, Mayba, Palsicayon, Eagle Pass, atbp. Ang Pag-asa ay matatagpuan sa Hilagang bahagi ng Sablayan at may layong 33 kilometro mula sa Sentro o Poblacion. Ang mga barangay na kalapit nito ay ang Barangay Lagnas, Victoria, San Agustin, Ilvita at Villa Servisa sa Victoria, Oriental Mindoro. Kilala rin barangay Pag-asa sa pagkakaroon ng tinaguriang Little Baguio of Mindoro, ang “Mindoro pines”, dinarayo rin dito ang Pandurucan Falls at ang Kalumangan hills. Ito ay pinagitnaan ng dalawang malaking Ilog, ang Ilog Amnay sa Hilaga at Ilog Patrick naman sa Timog.
Kilala rin ang barangay sa dami ng inaaning butil ng palay at mais na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan kung kaya’t isa ito sa “Food Basket” ng Bayan at ng Lalawigan. Patunay dito ang pagtatayo ng Buying Station ng National Food Authority (NFA) sa loob ng Barangay. Makikilala din ang barangay na siyang stop over ng mga bus, jeep, cargo truck at lahat ng mga sasakyang panlupa.
Ang populasyon ng Barangay ay may tinatayang 1,700 na pamilya (1,073 nito ay pamilya ng mga katutubo at 627 naman dito ang pamilya ng mga tagalog) at 1,506 na kabahayan (535 kabahayan ng mga tagalog at 971 sa mga katutubo). 6,985 ang kabuuang populasyon nito na may 3,535 na lalaki at 3,450 naman ang babae (source: RBI-2024)
II. PANSOSYO- EKONOMIYANG ASPETO
Ang Agrikultura ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao sa barangay Pag- asa. Bukod sa mga may- ari ng lupang sakahan, mas malaking bahagi ng mga magsasaka dito, babae man o lalaki ay kumukuha ng ikinabubuhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa bukid o tinatawag na arawan sa panahon ng pagtatanim at anihan na may bayad o upa na Php. 250.00 kada araw. Ito ay nakabase sa una, pangalawa at pangatlong beses ng pagsasaka bawat taon.
Sa kasalukuyan ang Barangay Pag-asa ay may Php. 6,980,157.00 na (NATA) National Tax Allotment. (2025) Ang Pamahalaang Nasyonal, Pamahalaang Lokal ng Probinsya at Pamahalaang Lokal ng bayan ng Sablayan ang tumutulong upang matugunan ang ilang pangangailangan ng Barangay sa Edukasyon, Agrikultura, Kalusugan, Imprastruktura, Pangkabuhayan at iba pa.
Mula sa ikinabubuhay ng mga mamamayan, ang mga bata ay nakakapag-aral sa mababang Paaralan ng Rang- ayan at Mataas na Paaralan ng Pag-asa. Malaking kontribusyon din ang talipapa bilang pangunahing pinagkukunan ng kita sa pang- araw araw na buhay ng mga mamamayan partikular na sa Sona 4 at 5 at ilang karatig barangay sa nasasakupan ng CLIPVICS (Claudio Salgado, Lagnas, Ilvita, Pag-asa, Victoria at San Agustin), sapagkat ang anim na barangay sa CLIPVICS ay mayroong tig- iisang stall na pinagkakakitaan sa bawat buwan.
1960-1963
Si G. Pedro Tarinay ang unang naging Tenyente del Bario ng barangay Pag-Asa taong 1958-1960. Sa kanyang panunungkulan ay naipatayo ang unang paaralang elementarya na tinawag na “Rang-ayan Elementary School” at nagkaroon rin ng unang poso artesyano (sona 1).
1963-1966
Si G. Bonifacio Pimentel ang naging ikalawang Tenyente del Bario taong 1963-1966. Sa kanyang panunungkulan naman ay naging ganap na “Pag-asa” ang dating pangalan ng barangay na “Rang-ayan”. Naumpisahan ang konkretong gusali ng Paaralang Elementarya at nagkaroon ng konkretong inter-media.
1966-1972
Si G. Prudencio L. Gadiano ang ikatlong Teniente del Bario taong 1966-1972. Siya ay muling nanungkulan bilang ika-limang Punong Barangay ng Barangay Pag-asa taong 1982-1986. Sa kanyang buong taon o panahon ng panunungkulan ay naipagawa ang konkretong plaza ng barangay. Sa kanyang panunungkulan ay naipagawa ang kalsada sa gitna ng Barangay at siya rin ang nagpanula ng unang Barangay Water Development.
1972-1982
Si G. Marcelino Tarinay ang naging ika-apat na Tenyente del Bario ng Barangay Pag-asa. Sa kanyang panunungkulan ay nadagdagan ang mga naipatayong poso artesyano (sona 1) at naipatayo ang maliit na gusali bilang barangay. Sa kanyang panunungkulan ay dito nagkaroon ng Proteksyon Dike sa ilog amnay.
1986-1988
Nagkaroon ng Revolutionary Government sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos at naging OIC bilang ika-anim na Punong Barangay sa taong 1987-1988 si G. Rolando Dumag. Sa panahon ng kanyang panunungkulan ay nabuksan ang may 190m. na daan sa sona 2 papuntang sona 3(tabi ng Rang-ayan Elementary School), naipagawa ang may 60m. na konkretong daan sa may sona 2(tapat ng gate ng Rang-ayan elementary school), pagkakaroon ng konkretong daan sa may old plaza area at pagkakaroon ng box culvert sa may sona 2(tapat ng Adventist church).
1988-1994
Si G. Juanito Bicera ang naging ika-pitong Punong Barangay noong taong 1988-1998. Sa kanyang panunungkulan ay dito nagkaroon ng unang maliit na talipapa sa sona 5.
1994-1998
Ang Kgg. Eduardo B. Gadiano naman ang noon ay naging ika-walong Punong Barangay ng Pag-asa. Sa kanyang panunungkulan ay dito nagkaroon ng unang water System (communal) ang barangay. Nagkaroon ng School Building para sa sekondarya taong 1997, na sa taong ito ay upang maisakatuparan na maipatayo ang paaralan ay nagsakripisyo ang lahat ng Brgy. Council sa pamamagitan ng isang buwang walang honorarium mula sa barangay at maging lahat ng bawat sambahayan ay nagkaroon ng malaking kontribusyon sa pamamagitan ng bayanihang pagtatrabaho upang ganap na maipatayo ang paaralan ito. Sa kanya ring panunungkulan ay nagkaroon ng panibagong talipapa na naging kalaunan ay nakilala bilang himpilan ng anumang uri na sasakyang panlupa.
1998-2002
2007-2018
Sa taong 1998 ay naging OIC bilang punong barangay si G. Juanito Esteban Jr. at siya ang naging ika-siyam na Punong Barangay ng Pag-asa hanggang taong 2007. Siya rin ang naging ika-labing isang Punong Barangay taong 2007-2018 at sa kanyang buong taon ng panunungkulan ay nakabili ng lupa ang barangay at nailipat ang barangay plaza sa bagong lokasyon nito sa sona 4. Sa kanya ring panunungkulan ay dito nagkaroon ng Water Impounding, Solar Dryer (Barangay Plaza), konkretong kalsada mula sona 3 hanggang sona 4na mula sa KALAHI Projects, nakabili rin ng 150 sq. meter na Lot extension para sa talipapa ng barangay, Naipatatag ang Rang-ayan Elementary School-Guitong Annex. Sa kanya ring panunungkulan ay nagkaroon ng Covered Court, Barangay Hall, Proteksyon Dike (Gabios) sa Amnay River, Sablayan North Municipal Building, at Senior High School Building sa Prudencio Gadiano National High School.
2002-2007
Si G. Samuel Agualin ang naging ika -sampung Punong Barangay ng Pag-asa. Sa kanyang panunungkulan ay muling nadagdagan ng ekstensyon ang talipapa.
2018-kasalukuyan
Taong 2018 hanggang sa kasalukuyan naman ang ika-labing dalawang Punong Barangay ay ang Kgg. Rodel A. Sioson. Hanggang taong 2018 ng kanyang panunungkulan ay nailipat ang Health Station mula sa Sablayan North extension sa panibagong lokasyon sa Barangay Plaza, nagkaroon ng proyekto mula sa KALAHI na Retaining wall sa may Pandurucan River na poprotekta sa natitibag na lupa malapit sa paaralan ng Rang-ayan elementary School, nagakaroon ng multi-purpose hall Building sa Barangay Plaza area, nagkaroon ng Satelite Health Station sa Sitio Mayba, Nagkaroon ng Solar Water Supply, nagkaroon ng karagdagang flood control sa may AMnay river, nagkaroon ng mga street lights sa sona 1-6 at karagdagang street lights(ELCAC fund) sa Sitio ng mga katututbo(So. Mayba, So. Makatolyo, So.Palsikayon at So. Tulaleng), nagkaroon ng karagdagang multi-purpose hall sa sitio guitong, nagkaroon ng karagdagang Child Development Center(CDC) building sa So. Pandurucan at So. Mayba, nagkaroon ng Solar Dryer sa sona 2,3, 4 6, So. Pandurucan at So. Mayba, nagkaroon ng Irrigation canal sa sona 3-5 maging ang pagkakaroon ng Irrigation Flume sa Pandurucan River at nagkaroon ng water impounding sa sitio Pandurucan. Sa kasalukuyan niyang panunungkulan ay nasimulan ang pagbubukas ng kalsadang daan ng Pag-asa, Sablayan patungong Victoria Oriental, kasalukuyang ginagawang konkretong daan sa lahat ng kalsada sa sona 1 hanggang sona 2, Kasalukuyang pinapatayong karagdagang senior high school building sa Prudencio Gadiano National High school.
Free AI Website Creator