Barangays > San Agustin
|
Brief History |
Ang Barangay San Agustin ay nasa Hilagang bahagi ng bayan ng Sablayan. Ito ay karatig ng Barangay Pag-asa at Barangay San Francisco. Ito ay napapalibutan ng
mga bundok at malaking ilog ng Patrick na may kabuoang sukat at lawak na 15,807.85 ektarya.
Naipangalan ang Manamlay sa pamamagitan ng mga tribung Alangan na nanirahan din sa lugar. Nakilala ito dahil sa mga katutubong ang hilig ay mangaso at manirahan sa kagubatan.
Matatandaang limang (5) pamilya ang unang nanirahan sa lugar na ito. Taong 1958 noong dumating ang mga pamilyang Benavidez, Felipe, Acosta, Diaz at Martin. Ang mga angkang ito ay nagmula pa sa bayan ng Tarlac. Hindi naglaon ay may mga dumating ding mga taga ibang bayan. Ito ay ang pamilya ng Gomintong, Tayaben, Gordulan, Patingan, at Inogacio. Hiniling ng grupong ito sa Bureau of Forestry na ipauri (reclassify) bilang lupang sakahan ang malawak na kagubatan. Mahirap para sa kanila ang mamuhay ng masagana lalo pa’t hindi pa napapaunlad ang lugar na iyon.
Masasabi na ang mga babae noon ay marami ang bilang subalit nagkukulang naman sa pagkain at trabaho. Nauulat na kaunti ang bilang ng mga lalaki noon kung kaya’t napilitang ang mga babae ang naghahanap ng mga pagkain. May kakulangan din sa mga panggastos at pagpapaaral sa mga batang lalaki.
Sinasabi rin ng kasaysayan na makikita ang mga ilang na hayop sa mga kagubatan at kabundukan tulad ng unggoy, kabayo, baboy ramo, usa, malalaking grupo ng paniki na tinatawag na million fruit bats, at ibong tagak.
Dahil wala pang permanenteng hanapbuhay ang mga tao, ang ilan ay umaasa lamang sa mga alagang hayop at ang iba ay sa pangangaso. Noong dumating ang ibang mga tao at nadagdagan pa ang populasyon, ang mga hayop ay unti-unting lumayo at nabawasan ang bilang dahil ginawa silang mga pagkain ng mga tao. Nang maramdaman na ng mga tao ngayon ang hirap ng buhay, hinihiling nila na magkaroon ng livelihood program at rainforestation.
Sa kalikasan naman, masasabi na marami pang punong kahoy noon. Hindi ito pinuputol upang gawing hanapbuhay ng mga tao tulad ng pag-uuling. Subalit, sa panahon ngayon, ang mga katutubo ay malaya nang naninirahan sa mga kabundukan. Walang tigil sa pagputol ng mga puno ang mga tao upang gawing hanap buhay. Marami sa mga ito ay bumaba na sa kapatagan upang manirahan at gawing hanapbuhay ang yaman ng kabundukan tulad ng pag-uuling at pagkakaingin. Itinuturing na ngayon na mapanganib ang mga kabundukan dahil sa palagiang gawain ng mga tao. Dahil dito, ninanais ng mga katutubo na bigyan sila ng ibang pagkakakitaan at kaalaman tungkol sa programang pangkabuhayan.
Upang may pagkain, nagtatanim ang mga tao sa barangay ng palay, mais, at gulay. Sa kanilang pag-aaral, ang lupang kanilang sinasaka ay matataba at hindi na kailangang gamitan pa ng mga pampataba. Umaani sila ng malalaki at maganda ang produksyon ng kanilang mga pananim. Sa patuloy na pagdami ng mga tao at sa patuloy na pag-unlad ng kanilang kaalaman, ang mga tao ay natuto na ring gumamit ng mga gamit at lason sa kanilang mga pananim. Naniniwala sila sa madaliang proseso ng pag-aalaga ng mga pananim. Ang ibang mga naninirahan dito ay natuto na ring magsaka kaya sinikap nilang magkaroon ng sariling lupa. Ang iba naman ay namumuhay sa pakikipagtulungan sa may mga lupang sakahan.
Taong 1960 ng maging Sitio ng Rang-ayan na ngayon ay Barangay Pag-asa ang Manamlay, dating pangalan ng Barangay San Agustin. Sa pangunguna ni G. Federico Martin, isa sa mga naunang nanirahan doon, naki-usap siya sa Teniente del Barrio ng Rang-ayan na si Prudencio Gadiano na ihiwalay ang Manamlay mula sa Rang-ayan at gawin itong Barrio bilang mataas na antas. Noong 1964, ito nga’y sinang-ayunan ng Sangguniang Barangay ng Rang-ayan at pinatunayan ng Municipal Council ng Sablayan at ng Provincial Board ng Occidental Mindoro.
Nang panahon ding yaon ay naging Teniente Del Barrio si G. Federico Martin. Sa kanyang panunungkulan ay may naipatayong isang pribadong paaralan ang Seventh-day Adventist Church na tinawag na SAN AGUSTIN ADVENTIST ELEMENTARY SCHOOL.
Gayun pa man, ang mga magulang ay nagnais pa rin na magkaroon ng isang pampublikong paaralan. Kung kaya sa kanilang kagustuhan na ito ay mangyari, sila ay nakiusap kay Congressman Pedro Medalla, Sr. na magbukas ng isang pampublikong paaralan sa lugar na iyon. Di naglaon at natupad ang kanilang minimithi. Naipatayo ang paaralan at nabigyan pa sila ng mga gurong magtuturo. Sa panahong ito ay naitayo ang barangay hall na yari sa cogon at buho na tinawag itong “ABONG” na ibing sabihin ay lilim upang pagdausan ng kanilang pagpupulong. Gayon din ay nabuksan din ang feeder road, na nag uugnay sa Zone 2 at Zone 3.
Taong 1966 noong nahalal bilang Teniente Del Barrio G. Agustin Cuaresma. Siya ay nanungkulan sa loob ng anim (6) na taon (1966 – 1972), at sa panahon ng kanyang panunungkulan ay pinalitan ang pangalang Manamlay, ito ay tinawag na Barangay San Agustin na hango sa pangalan ng kasalukuyang Teniente Del Barrio noon na si G. Agustin Cuaresma sa rekomendasyon ni Mayor Loreto Urieta.
Noong 1972, si Florendo Banite ang nanalong Tentiente Del Barrio at siya ay nanungkulan sa loob ng sampu (10) taon (1972 – 1982) na sa kanyang panunungkulan ay nakapagbukas siya ng mga kalsada papuntang kabukiran, sa panahon ding ito ay maraming mga pamilya mula pa sa Central at Northern Luzon ang nanirahan doon.
Sa panahon ng martial law, naipatayo ang sementong tulay sa Ilog Patrick. Dahil sa patuloy na pagpapaayos nito, nagawa na rin ang national highway papuntang San Agustin. Napaluwang din naman ang pangunahing daan ng San Agustin at ito’y napaganda rin. Maraming magsasaka at pangkaraniwang mga tao ang nakinabang sa mabilisang paglabas at pagpasok ng mga produkto.
Sa ginanap na halalan para sa Kabataang Barangay noong 1975, nahalal bilang Pangulo ng Sangguniang Kabataan (SK Chairman) si Yolanda Baagen at siya’y nagpatuloy pa hanggang 1978.
Noong Mayo 17, 1982 naipagkatiwala sa mga tao ang pagpili ng punong barangay o barangay captain sa pamamagitan ng botohan sa unang pagkakataon. Naihalal si G. Dionisio Dupagan bilang punong barangay ng San Agustin, at siya ay nanungkulan sa loob ng apat (4) na taon (1982 – 1988) at sa kanyang panunungkulan ay bumuo siya ng grupo ng mga kabataan na walang mga asawa. Ito ay pinamunuan ni Tito Diasan. At ang sumunod na pinuno ng grupo ay si Florentino Villanueva.
Sa mga huling paglilingkod ni Kapitan Dionisio Dupagan, lalo na noong Setyembre 1987 ay dumating ang malakas na bagyong si Unsang na sumira sa barangay. Umapaw ang mga tubig sa mga ilog. Ang malaking bahagi ng lupang sakahan ay tinangay din ng malakas na agos ng tubig. Napalitan ang lupang maganda ng mga buhangin at graba. Sa kasong ito, ang ibang pamilya ay lumipat na lamang sa ibang barangay.
Sa mga huling paglilingkod ni Kapitan Dionisio Dupagan, lalo na noong Setyembre 1987 ay dumating ang malakas na bagyong si Unsang na sumira sa barangay. Umapaw ang mga tubig sa mga ilog. Ang malaking bahagi ng lupang sakahan ay tinangay din ng malakas na agos ng tubig. Napalitan ang lupang maganda ng mga buhangin at graba. Sa kasong ito, ang ibang pamilya ay lumipat na lamang sa ibang barangay.
Taong 1988 nang mahalal na Punong Barangay si Samuel Agualin, bagamat bumagsak ang populasyon ng barangay maging kalagayan ng mga bukirin, nagawa pa rin itong iangat ang kapakanan ng barangay. Dahil sa kaniyang pagpupursige nakapagpatayo ng barangay hall, basketball court, sementong barangay road, nakabili din ng lote para pagtayuan ng DAY CARE CENTER, at naumpisahan na ding ipatayo ang gusali dito. Gayunpaman, sa kanyang panunungkulan sa barangay ay nagkaroon ng matinding paghuli sa mga paniki o kabag na siyang dahilan ng pag-alis ng mga ito sa barangay at sila ay lumipat sa malayong kagubatan, at sa kanya ding kapanahunan ay unti-unting nabago ang ilang pananaw at tradisyon sa buhay ng maraming nakatira dito pero nanatili pa rin ang kanilang kultura, tulad ng bayanihan at nagtagal ng halos siyam (9) na taon ang kanyang panunungkulan.
Nagkaroon muli ng halalan para sa Kabataang Barangay noong Disyembre 4, 1992. Naihalal si Noli Pascua bilang SK Chairman Pinagkalooban ang barangay ng waiting shed at public toilet ng sports tournament. Dahil na rin ito sa kanyang determinasyon na magkaroon ng magandang proyekto. Katulong niya sa pagpaplano ang kanyang mga konsehal.
Taong 1997 nang maihalal bilang Punong Barangay o Barangay Captain si Gng. YOLANDA BAAGEN PATINGAN at mga kagawad na sina LUIS SAMORTIN, NOLI PASCUA, SIODOR PONCEJA, RULO DERILO, FELIMON SUGANO, MEDILYN VIDALLON AT SK EDWIN EUGENIO, Ipinagpatuloy nila ang pagpapatupad ng kaunlaran sa barangay. Sa panahon ng kanilang panunungkulan taong 1998 ay nakaranas ng matinding tagtuyot` (EL NINO) ang barangay, kung kaya sa pamamagitan ng kahilingan ng Sangguniang Barangay nakapagpabaon ng mga SHALLOW TUBE WELL, mula kay KGG. JOSEPHINE RAMIREZ na noon ay kasalukuyang Gobernador ng lalawigan, muling napalakas ang RIC rural improvement club, nakapagpatayo ng health center (4) apat na waiting shed, nakahingi sa provincial government ng 7 kalabaw para sa mga katutubo at natapos ang nasimulang Day Care Center.
Sumunod na namuno sa San Agustin si Barangay Captain Siodor Ponceja noong 2002 ng magkaroon ng halalan kasama ang mga kagawad na sina EDWIN DANGEROS, ROLANDO FELIPE, SATURNINO BANITE, NOBLETO GATCHALIAN, AGA KATIBONG, MIGUEL MARTIN, ELPIDIO SOTTO, AT SK JAYSON GATCHALIAN. Sa kanyang panunungkulan, nagkaroon ng culvert at feeder road sa Zone 1, nakapagpatayo ng barangay hall sa itaas ng bundok, nagkaroon ng spring development, at nakapagpagawa ng protection dike sa Manamlay creek. Sa panahon ding yon ay nagkaroon ng koryente ang barangay at nakapagpatayo ng paaralang elementarya ang mga katutubo sa Danginan at dito unti unting tumaas ang kalidad ng edukasyon ng mga katutubo.
Taong 2004 ng may hindi inaasahang trahedya na kumitil sa buhay ni Punong Barangay Siodor Ponceja kung kaya’t hindi natapos ang kanyang termino. Noong panahon na iyon ay nailuklok sa nabakanteng pwesto si unang Sangguniang Barangay Edwin Dangeros, at naihalal si Salvador Quinio bilang pampitong kagawad, at tulong tulong na ipinagpatuloy ang mga naiwang gawain ng mahal na Kapitan Siodor Ponceja. Sa panahong ito ay nakapagpagawa sila ng dalawang (2) solar dryers.
Taong 2007 ng magkaroon muli ng Barangay Election, nahalal muli si Gng. Yolanda B. Patingan, kasama ang mga kagawad na sina FIDEL SAMORTIN, SALVADOR QUINIO, ESTELITO GATCHALIAN JR, SERGIO PATINGAN, RULO DERILO, FELIMON SUGANO, ROLLY NEMENIO at SK LILIBETH DALLIGOS.
Sa kanilang panunungkulan ay naipatayo ang dalawang Day Care Center ito ay sa Kalamansian at Pandalagan, nakapagpagawa ng dalawang yunit ng solar dryer sa Zone 4 & Zone 5 mula sa programa ng KALAHI CIDDS at isang waiting shed sa Zone 4, nakapagpatayo din ng 2 palapag na barangay hall sa tulong ni GOV.JOSEPHINE(NENE) RAMIREZ SATO.
Taong 2010 ng magkaroon muli ng Barangay Election at nahalal na punong barangay si G. ROLANDO G. FELIPE, kasama ang mga kagawad na sina MELY BADAO, MIGUEL MARTIN, ROLLY NEMENIO, FIDEL SAMORTIN, MAR DAPITO, FELIMON SUGANO, at SALVADOR QUINIO. Sa kanyang panahon ay napabuksan ang farm to market road papuntang Sitio Kalamansian. Naipatayo ang tatlong (3) gusali ng mababang paaralan ng San Agustin, napatayo ang dalawang (2) Day Care Centers sa Pandalagan at Kalamansian, nakapagpagawa din ng solar dryer sa Zone 4, multipurpose hall sa Pandalagan, waiting shed papuntang Kalamansian, basketball courts sa Proper at Pandalagan, nakapaglagay ng extension sa barangay hall. Taong 2012 nagkaroon ng representative ang mga katutubo sa Sangguniang Barangay at dito ay nahalal si BARNITO PEREZ, bilang kinatawan ng mga katutubo.
Taong 2013, nahalal muli si Gng. YOLANDA B. PATINGAN bilang punong barangay at mga kagawad na sina MELY BADAO, MIGUEL MARTIN, NORA FELIPE, ROLLY NEMENIO, ESTELITO GATCHALIAN JR, FIDEL SAMORTIN, at SERGIO PATINGAN. Sa kanilang panungkulan mula sa pondo ng 20% ay nakapagpatayo ng stage at Multi Purpose Building sa San Agustin Elem. School, Construction of Retaining wall ng Barangay Plaza, Balay lakoy sa kalamansian, Nutrition Post sa Barangay Hall Compound, napaganda din ang PANIKIAN LAKE, nabuksan ang mga FMR, riprapping of river bank for flood protection sa Zone 5. Nakapagpatayo din ng Stage sa Libagon Elem. School sa tulong ng Head Teacher na si Ms. Nora Reyno mula kay Vice Mayor Andres Dangeros.
Taong 2014, nagkaroon ng patimpalak ang Provincial Government, Department of Tourism para sa THE MOST ORIENTED TOURISM BARANGAY IN THE MUNICIPAL at dito nahamon ang Punong Barangay na sumali sa patimpalak na ito. Sa tulong ng nagkakaisang mamamayan ay nagwagi ang barangay at nakamit ang pinakamataas na score (CHAMPION).
Taon 2015, nagpatuloy ang patimpalak para naman sa provincial wide at naging kinatawan ng bayan ng Sablayan ang barangay at muli sa tulong ng Punong Bayan Eduardo B. Gadiano at iba pang departamento ng LGU, at ganoon din ang patuloy na pagkakaisa ng mamamayan ay muling nagwagi ang barangay sa patimpalak na ito na nakamit ang pinakamataas na score (CHAMPION), at nakilala ang barangay sa pamamagitan nito. Taong 2016, nakapagpatayo ng Water System level II sa pamamagitan ng BUB sa pangunguna ng Punong Bayan Eduardo B. Gadiano.
Sa taon ding ito ay naging 3rd Placer awardee ang barangay sa. SEAL OF GOOD BARANGAY GOVERNANCE.
Sa patuloy na pagkakaisa ng mamamayan nakapagpagawa ng mga proyekto mula sa KALAHI CIDSS taong 2014 - 2017, 1. Improvement of Multi-Purpose Building sa ilalaim ng KC- MCC, 2. Construction of Multi-Purpose Pavement Zone 5, KC - NCDDP, at 3. Concreting of Existing Barangay Road Zone 2, 3, & 4 KC-NCDDP TIER 2, sa panahon ding ito ay nasimulan na ding buksan ang barangay road sa Zone 4 papuntang Zone 1.
Noong May 14, 2018 nagkaroon ng Barangay at SK Election at nahalal muli si GNG.YOLANDA B. PATINGAN na punong barangay, at mga Barangay kagawad na sina MELY BADAO, AGA KATIBONG, NORA FELIPE, JERRYME ACOSTA, SALVADOR QUINIO, DANIEL MACAMBANG, PONCING CALABIO, SK Chairman na si JOHN HARVEY DANGEROS at mga SK Kagawad na sina BENJIE BANDRIL, MARY GRACE GARCIA, LESLIE QUINIO, MELVIN SABADO, CHABELITA SALVADOR, ROSEFHELLE DIZON AT ALJAMES BAUTISTA. Nangangarap ang pamunuan na magpapatuloy ang pagkakaisa ng mamamayan para sa maunlad na pamayanan.
Noong July 1, 2018 ng magsimula ang bagong pamunuan upang maisagawa ang pangarap na patuloy ng pagkakaisa tungo sa maunlad na pamayanan at naisagawa ang unang session ng Sangguniang Barangay, at sa buwan ding ito July 18, 2018 ay nakaranas ang barangay ng matinding pagbaha dahil sa bagyong “HENRY”, maraming sakahan ang nalubog sa baha, maraming nasirang pananim at mga upland farm ang naglandslide, may mga naanod at namatay na mga alagang hayop, at may mga nasirang imsprastraktura. Sa araw ding ito sa di inaasahang trahedya ay pinaslang ng mga di kilalang armado ang noo’y ikalawang nahalal na kagawad, isang katutubo na si Kagawad Aga Catibong, dahil dito ay nabawasan ang konseho, kung kaya nagsagawa ng Barangay Assembly para sa pagpili ng papalit sa naiwang pwesto, at isa sa napili ng Barangay Assembly ay si Felimon Sugano na siyang pangwalo sa nakaraang election kung kaya sa bisa ng kapangyarihan ng Punong Bayan Eduardo B. Gadiano siya ay naitalaga noong ika – 03 ng Septembre 2018 na maging kagawad na siyang pupuno sa kakulangan ng konseho ng barangay.
Sa taong ito ay nagwagi muli ang barangay sa sinagawang SEAL OF GOOD BARANGAY GOVERNANCE, bagaman at hindi nakuha ang 100% ay nakuha pa din ang 3rd highest place Award.
Sa taong 2019 ay matagumpay na naganap ang 53rd founding Anniversary sa pangunguna ng mga naitalagang opesyal at pakikiisa ng mga mamamayan para sa gawaing ito noong ika- 28 hanggang march 1, 2019.
Sa pagpapatuloy ng paglilingkod ng mga barangay opesyal ng taong 2020 at sa ika 16, ng Marso sa taong ito nagdeklara ng lock down ang barangay upang maiwasan ang paglaganap at pagpasok ng COVID 19 virus. Kaagad na nagsagawa ng mga checkpoints sa tulong ng mga tinatawag na frontliners, dahil sa pangyayaring ito ay nagbigay ng ayuda ang barangay, LGU, iba pang ahensiya at mga pribadong indibidwal para sa mamamayan na apektado ng Kalamidad.
Naging mabigat na pasanin ng mga barangay opesyal ang pagpapatupad ng mga alituntunin ng kagawaran ng kalusugan katulad ng kailangang magpabakuna sa kadahilanan na ang 60% na mamamayan ng barangay ay mga katutubo na may sinusunod na kultura, Ngunit sa kabila ng mga suliraning ito ay hindi naman naging sagabal upang ang barangay ay maging matagumpay, hanggang sa kasalukuyan taong 2023.
HTML Website Creator