Barangays > Lagnas
|
Brief History |
Ang barangay LAGNAS ay isa sa pinakamaliit sa dalawampu’t dalawang (22) barangay na bumubuo sa bayan ng Sablayan.
Ayon sa mga katutubong naunang nanirahan dito, ang lupain daw ay nagmula sa dalawang malalaking ilog. Ito ay ang ilog Amnay at ilog Balingkawing. Sa lakas ng agos ng nasabing mga ilog ay nagkaroon ng pagbanlik kung kaya nabuo ang lugar. Noong una ito ay tinawag na Sityo Mapalad na napapaloob sa Barangay Paetan. Sityo Mapalad ang itinawag sapagkat ito ay sagana sa pagkain at mga hayop na maaaring kainin. Taong 1960 nang dumating ang limang (5) pamilya na kauna-unahang nanirahan dito ito ay ang pamilya nina Adriano Dela Cruz, Clarita Trapsi, Leonardo Abon, Alipio Valdez at Benjamin Hermosa.
Isang pangyayari naman ang hindi malilimutan ng mga tao nang panahon na iyon, nagkaroon ng malaking pagbaha kung saan ay nagkaroon ng pagtibag sa mga kalupaan at kinailangang lumikas ng mga tao sa barangay. Dahil karamihan sa mga lupain sa nasabing lugar ay pag-aari ni Ginoong Sotero Baluyot at ito ay ipinamigay ng CARP sa mas nakararaaming mga mamamayan, kung kaya mas dumami ang mga nanirahan dito.
Noong taong 1975 ay naitalaga si Ginoong Leonardo Abon bilang Tenyente del Baryo, at Setyembre 1 taon ding iyon sa ilalim ng kaniyang panunungkulan ay naipatayo ang unang paaralang elementarya, mula baitang isa (1) hanggang lima (5) at may kabuuang apatnapu’t lima (45) mga estudyante sa ilalim ng pagtuturo ng kauna-unahang mga guro na sina Ginoong Honorario at Ginag Rosario Verdera. Nakapagpatayo din siya ng Day Care Center.
Mayo 10, 1980 ay nahalal si Ginoong Mauro Sison bilang kapitan at sa kaniyang panunungkulan ay naihiwalay ang Sityo Mapalad sa Barangay Paetan at ito ay naging ganap ng barangay na tinawag na Barangay Lagnas na ang ibig sabihin ay Land of Agriculture and Natural Resources. Sa panahon ding ito ay naitalaga si Ginoong Rogelio Arquero bilang katuwang nito at nakapagpatayo sila ng isang Marcos Type Building.
Naihalal naman si Ginoong Tomas Ramos taong 1988. Siya ay nanungkulan sa loob ng anim (6) na taon at sa panunungkulan niyang ito ay nakapagpatayo siya ng isang maliit na Barangay Health Center.
Taong 1994 naman nang mailuklok bilang Punong Barangay si Ginoong Virgilio Daguinotas. Nakapagpatayo naman siya ng isang bagong Barangay Hall at nabiyayaan din ng proyektong Farm to Market Road at ito ay pinakinabangan ng maraming magsasaka. 1995 naman nang maitalagang Teacher’s in Charge si Ginang Elizabeth Eviota sa mababang paaralan ng Sotero Baluyot. Taong 2001 nang manalasa ang bagyong Loling, sinira nito ang proteksiyon na humaharang sa ilog Amnay kung kaya nasira ang mga bukirin ng mga mamamayan. Taong 2004 naman nang manalasa ang bagyong Caloy sa barangay, maraming tubig ang ibinigay nito kung kaya lumubog ang Sona 4 na siyang naging dahilang ng paglipat ng mga residente sa Sitio Yapang na sakop ng Barangay Batongbuhay. Siya ay nanungkulan hanggang 2007 at sa taon ding ito ay nailuklok si Ginoong Rufino S. Abon Sr, nakapagpatayo din siya ng bagong barangay hall gayun din ng karagdagang gusali sa mababang paaralan ng Sotero Baluyot nang magkaroong ng halalan noong taong 2010 ay muli siyang nanalo, dahil na rin sa kaniyang maganda at maayos na panunungkulan, muli siyang nailuklok bilang Punong Barangay ng Barangay Lagnas at nanungkulan hanggang 2013 muling sumapit ang araw ng eleksiyon at siya ay hindi na pinalad na muling manalo. Muling naihalal ang dating kapitan na si Ginoong Virgilio Daguinotas Sr. sa panahong ito ay nakapagpatayo na siya ng isang Multipurpose Hall na kanila nang pinagdadausan ng mga pagpupulong. Nakapagpagawa din siya ng palaruan para sa mga batang nag-aaral sa Day Care at pinalagyan din niya ng mga konkretong mga upuan ang Barangay Plaza na siyang nagagamit ng mga manonood sa panahon ng mga kasiyahan na ginaganap sa barangay at pampublikong palikuran nito, gayun din ay nagkaroon din ng maayos at konkretong gusali ang mga Senior Citizen. Nakapagpagawa din si ng isang Solar Dryer sa Sona 2 ng barangay at konkretong Material Recovery Facility. Natapos ang kaniyang panunungkulan taong 2013 sapagkat muli na namang nanalo si Ginoong Rufino S. Abon Sr. na dating kapitan. At sa kaniyang panunungkulan taong 2014 ay lumubha ang kalagayan ng barangay dahil sa sunod-sunod na mga kalamidad, patuloy ang mga pagtibag ng mga lupain at ang nakakalungkot pa ay hindi ito kayang tugunan ng barangay sapagkat hindi sapat ang pondo ng barangay para sa nasabing suliranin ng barangay. Malaking halaga ang kailangan ng barangay para matugunan ang naturang problema at bilang pansamantalang mapigilan ang pagtibag ng mga lupain ay nagsagawa ng Sand Bagging, sa gawaing ito nakita ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng Barangay Lagnas sapagkat para sa ikabubuti ng buong barangay ay nagtulong-tulong ang mga mamamayan na nagsagawa ng Sand Bagging. Sinikap din ng PunongBarangay na magkaroon ng mga makabagong kagamitan ang barangay upang mabilis ang pagproseso ng mga dokumento na kailangan ng mga mamamayan.
Taong 2015 naipatayo ang isang multipurpose hall sa pamamagitan ng programa ng KALAHI. Nadagdagan din ang solar dryer ng barangay noong 2016 at ito ay ipinagawa sa Sona 6. Nakapagpatayo din ng Balay Lakoy Materials Proper sa likod ng kasalukuyang barangay hall, nagkaroon din ng mga renovations o pagsasaayos ng mga gusali at mga daan upang mapanatili ang kapakinabangan ng mga mamamayan sa mga proyekto. At pagpasok ng taong 2017, isang malaki at maliwanag na Covered Court kasama ang bagong entablado ang naibigay ng Provincial Government Office sa Barangay Lagnas.
Mayo 14, 2018, araw muli ng halalan. Sa araw na ito ay naihalal si Ginoong Bonifacio P. Paulino Jr. na dating hepe ng Barangay Tanod noong taong 2015 at nanalo bilang ikalawang Sangguniang Barangay at ngayon ay bilang bagong Punong Barangay ng Barangay Lagnas. Sa iilang buwan pa lamang niyang nanungkulan ay naipakita niya agad ang kaniyang malasakit sa barangay. Agad niyang piilawan ang Barangay Covered Court para magamit sa mga liga ng basketball. Nagkaroong agad ng proyektong Opening of Farm to Market Road sa Sona 3 at Sona 5, dahil matagal nang iniinda ng mga magsasaka roon ang daan na kanilang dinadaanan papunta sa kanilang mga bukirin. Nahihirapan silang magpasok ng mga makinarya at fertilizers gayun din sa paglalabas ng kanilang mga inaning mga produkto, kung kaya naman lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka sa kaniya dahil dininig nito ang kanilang mga hinaing. Nakamit din ng barangay Lagnas ang matagal nang pangarap na protection dike (gabions), ito ay may kabuuang sukat na isang kilometro at dalawang daang metrong gabions na inilagay sa Sona 1 hanggang zone 2 kung saan laging napuputol ang daan sa nasabing sona dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog sa tuwing dumarating ang mga kaamidad. Ito ay dahil sa kaniyang walang tigil na request at follow up sa mga kinauukulan para makamit ang proyekto. Nakakatuwa rin na likas na mapamaraan ang Punong Barangay dahil sa maliit na pondong nakalaan lamang sana sa palikuran ng nakatalagang Evacuation Center ng barangay ay kasamang naipagawa ang dingding nito para higit na mas ligtas ang mga evacuee’s kung sakaling sila ay lilikas dito. Naipaayos din niya at napalagyan ng konkretong dingding ang Balay lakoy Materials Proper dahil ito ay hindi magamit. At dahil din sa programa ng KALAHI ay nakakuha ng proyektong Concreting of Existing Barangay Road na may habang 500 metro na nakalaan sa Sona 2. Sumunod na taon (2019) ay nakasungkit ng ikatatlong pwesto ang barangay kung kaya naisakatuparan ang proyektong Concreting of Existing Barangay Road na may habang 620 metro na nagkakahalaga naman ng isang milyon at tatlong daang libong piso (1,300,000.00) na inilagay sa Sona 2 papuntang Sona 3. Nabiyayaan din ng apat (4) na Solar Dryer ang barangay mula sa Provincial Government noong 2021 na inilagay sa sona 6 at sona 4, gayundin apat (4) na solar dryer din mula sa munisipyo na inilagay naman sa sona 2, 4, 5 at 7, dalawang (2) solar dryer din ang ipinagawa mula sa pondo ng barangay na inilagay naman sa sona 1 at 2. Mapapansin na halos puro solar dryer ang proyekto sapagkat nais lamang ng Punong Barangay na matugunan ang matagal nang suliranin ng mga mamamayan na kakulangan ng mga bilaran sa tuwing dumarating ang panahon ng anihan kung saan marami sa kanilang mga produkto ang nasisira at nabubulok na siyang nagiging dahilan ng pagkalugi ng mga magsasaka sapagkat ito ang pangunahing hanapbuhay sa barangay.
Taong 2022 din ng mabigyan ng proyektong concreting of existing barangay road ang barangay dahil sa kasipagan ng kapitan sa pagfollow-up ng mga proyekto. Ito ay inilagay sa sona 6 na may habang 604 metro na nagkakahalaga ng walong (8) milyong piso, naipasemento din ang daan sa sona 1 hanggang 7 at ito ay mula pa rin sa Provincial Government sapagkat hinahangad ng Punong Barangay na maipasemento ang lahat ng mga daan sa barangay bago matapos ang kaniyang termino, ito naman ay may haba na isang (1) kilometro. Nakasungkit din ng tatlumpu’t pitong (37) unit ng solar street light ang barangay mula sa din sa Provincial Government na kahit papaano ay naibsan ang takot na nararanasan ng mga mamamayan sa parting madidilim na daan. Nakapagpatayo din siya ng konkretong gusali para sa mga naabusong mga bata at kababaihan o VAWC ROOM.
Kalagitanaan ng taong 2023 ay pumanaw ang Kapitan Bonifacio Paulino Jr. Ang Unang Kagawad ng barangay Lagnas ang siyang pumalit sa kanya, sa katauhan ni Kgg. Melchor M. Arbitrario bilang Punong Barangay, nong June 26, 2023. Dahil sa masigasig na pangunguna ay malugod na ipinagpatuloy ni Kgg. Melchor M. Arbitrario ang mga proyektong naiwan ng dating kapitan. Sa pangununa ng mga barangay officials at maraming volunteers na lalaki at babae ay matagumpay na natapos ang sandbagging sa Sona 1 at 7 na lubhang napinsala ng bagyong Egay. Naipagawa din ang pagpapasemento ng daan sa Sona 3 na may habang 118 metro.
Nagkaroon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election noong October 30, 2023 at naihalal bilang bagong Punong Barangay si Kgg. Victorino U. Justo Jr.
1975-1980
• Sotero Baluyot Elementary School
• Day Care Center
1980-1988
• Marcos Type Building
1988-1994
• Health Center
1994-2007/2010-2013
• Barangay Hall
• Farm to Market Road
• Multipurpose Building
• Senior Citizen Building
• Play Ground (Day Care)
• Concrete Bench (Plaza)
• Public Comfort Room (Zone 2)
• Solar Dryer (Zone 2)
• Concrete Material Recovery Facility
2007-2010/2013-2018
• Barangay Hall (Zone 2)
• Additional Building (Sotero Baluyot ES)
• Multipurpose Hall (KALAHI)
• Day Care Center (Zone 5)
• Balay Lakoy
• Solar Dryer (Zone 6)
• Barangay Covered Court (Zone 2)
2018-June 22, 2023
• Opening of Farm to Market Road (Zone 3 & 5)
• 370 Meters Flood Control/Gabions Constructed (Zone 1)
• 830 Meters Flood Control/Gabions Constructed (Zone 2-7)
• Comfort Room (Evacuation Center)
• Concrete Wall of Balay Lakoy
• Concrete Wall of Evacuation Center
• 500 Meters Concreted Existing Barangay Road at Zone 2 (KALAHI)
• 604 Meters Concreted Existing Barangay Road at Zone 2-3 (KALAHI)
• 4 Unit Solar Dryer at Zone 4 & 6 (Provincial Government Office)
• 4 Unit Solar Dryer at Zone 2,3,5 & 7 (Municipal Government Office)
• 2 Unit Solar Dryer at Zone 1 & 2 (Barangay Fund)
• 620 Meters Concreted Existing Barangay Road at Zone 6 (PGO)
• 1 Kilometer Concreted Existing Barangay Road at Zone 1 to Zone 7 (PGO)
• 37 Unit Solar Street Light (PGO)
• Barangay Covered Court Electrical Supply
• 50 Meters Concreted Existing Barangay Road at Zone 6
• VAWC Room
June 26, 2023 - Nov. 15, 2023
• 118 Meters Concreted Barangay Road at Zone 3
November 16, 2023 – PRESENT
AI Website Generator